As usual kapag Linggo ay nakatambay sa maliit na beach ng Blackthorn Academy ang apat na miyembro ng Carrot Boys.
Ngunit sa pagkakataong ito ay importante ang pinag-uusapan ng mga teenagers. Siyempre pa, tungkol ito sa plano ng lider nilang si Trash.
"Naisip ko na ang papasukin nating business kapag nakapagtapos na tayo ng pag-aaral! Magtatayo tayo ng agency!"
"Anong klaseng agency?" usisa ni Bery,
"Isang agency na magso-solve sa lahat ng problema ng mga tao. Except of course money problems, since kakailanganin natin ang pera nila para sa ating serbisyo."
"Kasama ba diyan ang mga love problems?" paninigurado ni Test.
"Of course!" excited na sagot ni Trash. "Criminal problems din, pero sisiguraduhin muna natin na inosente nga ang tutulungan natin. Then there's business problems, family problems at kung anu-ano pa! Hindi tayo mawawalan ng clients since lahat ng tao ay may problema."
"Paano natin aayusin ang mga problemang iyan?" Nakakunot ang noo ni Cast.
Sinimulan ni Trash na magsulat sa buhangin gamit ang isang patpat na dinampot nito sa tabi-tabi.
"To solve problems, dapat prepared tayong apat. At para maging bihasa tayo at magkaroon ng kakayahan na ma-solve ang mga problema ng clients natin, isa sa atin dapat ang maging duktor. Kakailanganin natin ang access sa mga gamot at koneksyon sa medical community."
Biglang taas ng kamay si Test.
"Ang hirap maging duktor! Bukod sa matagal na pag-aaral iyan, malaki pang gastos. Bakit hindi na lamang tayo magtayo ng drugstore? That way, may access tayo sa mga gamot at marami rin tayong makikilalang mga duktor."
"Okay." Binura ni Trash ang salitang duktor sa buhangin at pinalitan ng drugstore. "Kailangan din natin ng isang magaling sa computer."
Walang kumontra since lahat silang apat ay interesado sa mga computers.
"And then," pagpapatuloy ni Trash, "Ang next nating kailangan ay isang Engineer para-"
"Teka muna," singit ni Bery, "Ang hirap mag-aral ng Enginnering! Magastos din! Masakit din sa ulo dahil sobrang math. Technician na lamang! Or any vocational course na related sa pagkumpuni ng mga gamit at kung anu-ano. Mas mura, mas madaling pag-aralan at saglit lamang ang panahong uubusin sa pag-aaral."
Pinalitan ni Trash ang nakasulat na Engineer. Ang tanging natira sa mga isinulat niya ay ang salitang Abugado.
"Kailangan talaga natin ito. Isa sa atin ang dapat na mag-aral ng abugasya dahil sa pag-solve natin ng mga problems, tiyak na ibe-bend natin ang ibang mga rules. Dapat ay isa sa atin ang magtatanggol sa atin sa korte o tutulong sa atin para mapaikutan natin ang mga batas."
Sabay-sabay na napatingin ang tatlong pares ng mata kay Cast.
"Bakit ninyo ako tinitingnan?!" protesta nito.
"Ikaw ang pinakabata sa atin. At medyo matagal ang mangyayaring pag-aaral para maging isang abugado ang isang tao."
Biglang itinuro ni Cast si Bery.
"Sampung buwan lamang ang tanda sa akin ni Bery! Unfair na sa akin ninyo ipasa na lamang ang pag-aaral ng abugasya! Katakut-takot na kabisaduhan at puyatan ang gagawin diyan sa kurso na iyan, no?!"
"Kung gusto mo," ani Bery, "jack en poy tayo para malaman natin kung sino sa atin ang mag-aaral ng Law."
"Ayoko nga! Expert ka doon eh! Matatalo mo agad ako!" Bumaling si Cast sa kanilang leader. "Trash, ikaw ang gumawa ng paligsahan para sa amin ni Bery. Yung wala ni isa man sa amin ang magkakaroon ng advantage. Kung sino ang mananalo sa contest na iyon, siya ang magiging abugado."
"Sige, sige. Pag-iisipan ko iyan."
"Teka nga pala," singit ni Test, "Ano pala ang ipapangalan natin sa ating agency?"